Buwan Ng Wika

Picture

Si Amanda sa kanyang kasuotang Filipino (maliban sa kanyang tsinelas na galing din sa isang bansang sinakop ng Espanya)

Sa nagdaang buwan ng wika (Agosto) nais ko lang na gumawa ng isang sanaysay tungkol sa kalagayan ng kultura at wikang Filipino sa ating mga kabataan. Gagamitin ko rin ang salitang balbal at kolokyal sa aking paglalahad ng mga napansin ko.

  1. Nasaan na si Pong Pagong, Kapitan Basa, Manang Bola at Kiko Matsing? Ngayon ko na-realize (eto ang difference ng Filipino at Tagalog base sa aking pagkakatanda sa aking Filipino 101 class gumamit ng realize kaysa sa napagisipan) na sa dami ng cable channels sa mga nangungunang providers, ni isa eh walang nagtuturo tungkol sa kultura at wikang pinoy.  Meron mga attempt na mag-tagalized ng Disney Junior shows pero ang pagpapalit ng wika nang isang palabas ay hindi pa direktong nagtuturo ng ating kultura kung saan nakaugat ang wika natin.
  2. Kelan kaya magkakaroon nang parang High Five na show ang kabataang Pinoy?  Baka pwedeng title eh “Apir!” 🙂 Sa dami nang world-class na musikero, artista, singer at dancer na Pinoy, nakakapagtaka na wala tayong ma-produce na show na kagaya ng High Five.  Ulit napaisip ako kung bakit nga ba?  Malamang hindi ito sa kakulangan ng talento, kundi dahil ang bawat show sa telebisyon ay nag-uugat sa komersiyalismo, market-driven ika nga.  Ibig sabihin, meron ba manonood? Pag wala, walang magbabayad ng advertisements at malulugi lang ang mamumuhunan. Sa 300 na taon na sinakop tayo ng mga Kastila (pagbigyan niyo na ang pagiging nerd ko sa Philippine history), napakaganda ng kanilang naging stratehiya para mas mapalawig ang kanilang kapangyarihan sa panahon ng pananakop. Hindi sandata at pwersa ang ginamit kung hindi ang pagtanim sa kaisipan nang sinumang sinasakop nila na ang “superior” na lahi ay sila. Na kapag puti ang balat at matangos ang ilong, eto ang pamantayan ng magaling.  Matagal na nakalaya ang Pilipinas pero, ang konsepto ng “colonial mentality” pa rin ang nagdidikta sa pambansang merkado.  Sa tingin ko naman meron naman pagasa na mabago ito habang nagpapatuloy ang globalization, mas marami na ang nagiging aware na bawat kultura ay pantay-pantay at may pinepresent na competetive advantage.  Ibig sabihin, walang dahilan para hindi natin tangkilikin ang sariling atin.
  3. Patintero, langit lupa, mataga taya, luksong tinik, baka o kung anumang hayop... mga larong napalitan na ng little tykes slides, swing, see-saw, play house at ang malupit, tablet at mobile phones. Muli, wala naman masama sa paglalaro sa mga bagong playgrounds o kahit teknolohiya.  Sa palagay ko lang, may mga nawawalang pang Pinoy na interaksyon kung hindi na nalalaro yung mga larong kalye.  Siguro sa patintero ka lang makakarinig ng mga Pinoy trash talk na “isama mo pa ang lelang mong panot!” pag nakatawid ka.  Pano mo naman maririnig yun sa slide at playhouse?

Sa makabagong mundo, wish ko lang na sana ay wag mawala yung identity natin bilang Pinoy sa kabila ng globalization.  Maraming nagkukwentong mga magulang sa kin na nahihirapan sa Filipino at Social Studies ang mga anak nila dahil nagiging second language na lang ang Filipino.  Sabi sa Filipino 101 ko nung college, ang wika ay repleksyon ng kultura.  Habang patuloy na humihina sa Filipino ang mga susunod na henerasyon, pangitain na rin kaya ito nang paghina ng kulturang Pinoy natin?

Picture

Si Lolo Ador, ang personipikasyon ng wikang Filipino. Kung susukatin ang kanyang balarila, marahil mapupuno natin ang 1Pb ng hard disk sa dami at lalim ng alam niyang salita.

Picture

Ang dating normal na kasuotan, costume na ngayon. Baka mamaya pagkalipas ng 10 taon, ang skinny jeans ay maging pambansang kasuotan na rin?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.